Ni: Andrea Gale Almonte
Hindi lang isa, hindi dalawa, kundi tatlong puwesto ang naiuwi ng Bicol Regional Science High School o BRSHS sa isinagawang Fire Safety Tiktok Challenge hatid ng Bureau of Fire Protection (BFP) noong nakaraang buwan ng Marso 2021.
Nasungkit agad ng BRSHS ang kampeonato sa Municipal level palang, at nakamit ang parehas na pagkapanalo noong Provincial level. Nakuha rin ng paaralan ang ikatlong pwesto sa Regional level sa parehas na paligsahan.
“Nakita nalang namin na nakapost na yung video namin para sa reactions. Nagulat kami and sobrang happy kasi kami yung nanalo.” Ani ni Yzabella Rogando, ang lider ng pangkat.
Kahit sa rami ng mga entry na sumali galing sa iba’t ibang pampubliko at pribadong hayskul sa Rehiyon V, umani pa rin ng kabuuang 2.8 libong halo-halong reaksyon ang video ng nasabing pangkat kasama na rito ang inaning puntos mula orihinalidad at social impact, dahilan upang makamit ang matamis na pagkapanalo.
Ayon kay Jefferson V. Torres, ang coach ng grupo, “Hindi madali ang pinagdaanan. Simula pa lang sa pagbuo ng video, hirap na kami. Idagdag mo pa rito ang IATF protocols. Pero kung nanaisin, ay makakayang gawan ng paraan.” Dagdag pa niya. Binubuo ng 5 kalahok ang BFP tiktok team ng BRSHS. Sila ay sina Tricia Lorraine Apilan, Kerby Cañaveral, Marie Yzabella Rogando, John Michael Rustria at Clarence Samar. Si G. Jefferson V. Torres ang tumayong coach, sa pamumuno ni Gng. Cristina B. Relleve, bilang punong-guro ng paaralan.